Alam mo tol, Ilang beses akong umibig pero isang beses lang
akong nasaktan ng ganito katindi. Ibinigay ko sa kanya ang kaya ko, yun bang
tipikal na sundo’t hatid sa natural na magkasintahan. Ilang buwan ko din siyang
niligawan, pahirapan - para akong nasa giyera, kasi madami ding nanliligaw sa
kaniya. Isa kasi siya sa mga Crush ng Campus kung tawagin. Ang pangalan niya
ay Griselle Anne, noong hindi ko pa siya kilala, mali-mali ang spelling ng kaniyang
pangalan. Kaya pag-nagsusulat ako ng love letter, hindi pa uso ang cellphone
noon, Inaayos niya pa ang pagkakaspelling ng pangalan niya bago niya ito
tanggapin. Hindi lang doon ha, mali din ang pagbanggit ko ng kaniyang pangalan, ang
Griselle pronounce as Grace hindi grease. Sabi niya nga ang tigas ng
pagbabaybay ko. Tumawa ako pero hindi ko pinakita, nainis siya pero hindi niya
ipinaramdam. Dapat pala bago ka manligaw medyo mag-research muna kahit konti.
Eh, malay ko ba na dapat iyon ang first step, ang alam ko kasi sungab agad, yun
ang talagang love at first sight.
Minsan inaabutan kami ng madaling araw sa pagtatambay sa
kanto ng kanilang bahay, doon sa may tagong parte ng iskinita, medyo malapit
lang kasi sa paaralang pinapasukan namin. Wala lang, nakaupo lang kami,
nagkikwentuhan at nagkukulitan, kumbaga dinisikubre ang buhay-buhay, kung saan
ako naktira, sino mga magulang ko, ano ang plano ko pagkatapos ng hayskul, at
kung anu-ano pa, yun bang parang mga tanong sa slam book. Doon namin napagtanto
na magkaiba kami ng mga trip, magkaiba ng persepsyon, at magkaiba ng ugali pero
pinagbigkis ng pagmamahal. Pinag-aralan namin kung paano namin mapapatagal at
mabubuhay ang aming relasyon.
Tumagal ang aming relasyon ng walong buwan, astig diba? Naputol
lang ng magbakasyon kami. At noon balikan na ulit ng klase, nag-iba na ang
lahat. Kung dati may araw at gabi, ngayon puro nalang gabi at hindi na
nagpakita ang araw, at ang matindi pa nito lagi nalang bumabagyo sa kaibuturan
ng aking puso. Inisip ko kung ano ba ang nagawa kong mali para iwasan niya ako.
Ikaw sa tingin mo may nagawa ba akong mali? Ilang beses din kaming sinet-up ng mga kaibigan ko para maayos ang problema o matapos sa masayang paalam, pero lagi siyang umaalis
pagparating na ako. Hanggang sa hindi na ako nakatiis, pinuntahan ko siya sa
bahay nila. Umuulan noon, tulad ng mga mata ko, nasa labas lang ako ng bahay
nila, hinihintay na siya’y dumungaw man lang o tawagin ang pangalan ko at
sabihing “halika nga ditto bugoy sa tabi ko.” Hindi siya lumabas ng bahay at
umalis na ako bago pa tumila ang ulan, bago pa makita ang luha ko.
Habang lumilipas ang panahon, hindi ko siya makalimutan. Laging
laman siya ng isip ko kahit sa panaginip ay hinahabol ko pa siya. Hanggang sa nagpagpasyahan kong pumasok ng Seminaryo.
Sabi ko sa sarili ko, dito ata ang buhay ko, dito siguro ako tinatawag. Heto
yung ginawa ko tol para makalimutan ko siya. Halos apat na taon kong niloko ang
sarili ko tol. Doon ko nilugmok ang sarili ko para lang makalimutan siya pero
hindi pa din eh. Kaya mong dayain ang mata ng ibang tao, pero hindi mo pala
kayang dayain ang sarili mo. Lumabas ako ng Seminaryo. Pero doon ko naisip
na paano kaya kung kami talaga? Kasi sa pangalan kong christiANEric, eh may ANE
na siya niya namang palayaw. Kaya hinanap ko siya sa Friendster, Eto yung uso
bago pa ang Facebook at ayun nakita ko din tol. Pero di na rin nagtagal yung
Freindster kaya nawalan ako ng update sa kaniya.
Birthday ko noon nang umuwi siya, nalaman ko kasi sa kapatid
niya bago pa siya dumating. Kaya pagkatapos ng klase ko pumunta ako sa kanilang
bahay at inaya ko siyang kumain kami sa labas, pumayag naman siya. Pagkatapos
ng gabing iyon sabi niya sa akin, “Kalimutan mo na ako Bugoy, kahit ako ang
bangungut ng iyong nakaraan, ikaw naman ang isa sa mga mahahalagang tao na lagi masarap sariwain.” Hinawakan ko siya sa noo, inilapit niya ang kaniyang mukha at
hinalikan ako sa labi at tuluyan na akong umalis ng bahay nila, doon kasi ako
natulog. Ang sakit, sobrang sakit ang naramdaman ko noong araw na iyon. Pero
doon ko din napagtanto ang mga katagang move on.
Merong dalawang klase ang pagmomove-on. Ang una, ang paghakbang nang nakatalikod sa mga pangarap pero nakatingin sa nakaraan, mahirap yun at mabigat sa pakiramdam. Ang ikalawa, ang paglakad nang nakaharap sa mga pangarap sabay ng paglimot sa mga pangit na nakaraan, mahirap din ito pero masaya. Kaya ako tol, hindi na ako naninirahan sa kahon ng nakaraan at iniisip ko na lamang ay wala naman talagang kahon na nagkulong sa aking kasiyahan, yun bang umibig muli. Sinunog ko ang mga love letter kasama ng kaniyang mga larawan, lumakad ng paabante, oo inaamin kong masakit, pero kinaya ko at tuluyan ng inalis ang mga pader. At alam mo tol, ang masaya sa naging byahe ko, nagkaroon ako ng makakasama panghabangbuhay at ang pangalan niya ay Ane.
-Charyl Ane
www.sba.ph